Wednesday, February 29, 2012
Intro
Ang blog na ito ay ang pinagsama-samang pagsusuri ng iba't ibang mga akdang gawa ng sari-saring mga manunulat. Mula sa mga simpleng kanta hanggang sa mga nakaaakit na bidyo, dito namin mapapakita ang iba't-ibang klase ng pagsusuri ng iba't ibang akda na ginawa ng mga taong may natatanging galing.
Superman ang Misis Ko -Ferdinand Marquee W. Fuentes
Nagsimula ang akdang "Superman and Misis Ko" na
ginawa ni Abdon M. Balde Jr. sa pagbabahagi ng unang pagkilala ng persona at ng
kanyang asawa. Ang persona ay may kapinsala dahil siya’y mayroong saklay sa
paa. Sa unang pagkilala ng dalawang tauhan, agad napansin ng persona ang
katigasan ng mga daliri ng babae sapagkat siya’y “pinaglalaba’t pinagsisibak ng
panggatong ng magulang.” Minsa’y palabiro nitong tinatanong sa babae kung
siya’y isang tibo.
Napakaganda at napakabait raw ang babae kaya’t hindi kaya
ng persona na pakawalan siya. Sila’y nagpakasal at tumira sa ikatlong palapag
ng apartment. Ang babae’y gumagawa ng mabibigat na gawain tulad ng “pagkabit ng
TV antenna” at “pagkumpone ng kisame” habang taga-luto lamang ang persona.
Nagkasunog sa unang palapag ng apartment noong isang
gabi. Nahilo ang persona dahil siya’y sensitibo sa usok at nagising na lang sa
ospital. Iniligtas siya ng kanyang asawa sa pamamaraan ng pagbuhat sa kaniya
palabas ng nasusunog na apartment.
Ayon sa akdang ito, may kakayahan na gumawa ng mabibigat
na gawain ang mga kababaihan at hindi lamang limitado sa gawaing “pambabae.”
Hindi lahat ng kababaihan ay umaasa sa mga lalaki sa araw-araw na buhay at
ito’y naipakita sa maikling kuwento na kung saan ang lalaki naman ang umaasa sa
babae dahil siya’y may kapansanan.
Malakas rin ang kababaihan. Nang tanungin ng person sa
kanyang asawa kung paano siya nailigtas, ang sagot ng babae ay “Inilipad kita
palabas ng sunod na apartment.”
Inilipad kita.
Maipapalagay ng mambabasa na binuhat ng babae ang persona
papalabas ng apartment upang makaligtas mula sa sunog. Mayroon kakayahan na
maging malakas sa pisikal na anyo rin ang kababaihan tulad sa naipakita sa
kuwento.
Sa isang karaniwang kaisipan tungkol sa relasyon ng
babae’t lalaki, sinasabi na ang lalaki ang kadalasang nagbibigay serbisyo sa
kababaihan kagaya ng pagbubukas ng pinto o pagdadala ng kagamitan. Ito’y iniba
sa "Superman ang Misis Ko" dahil tila kinuha ng babae ang papel ng
lalaki. Siya’y [nag-oorder] at nagdadala ng pagkain sa mesa. Ito’y ginagawa ng
babae nang walang utos sa kaniya at hindi siya nagrereklamo.
Masipag, matulungin at maalaga ang babae.
Positibo ang pagpapakita ng feminismo sa akda dahil
sinasabi na hindi mababa ang tingin ng tao sa mga kababaihan. May pantay na
pagtingin sa kababaihan dahil may kakayahan silang maging malakas tulad ng mga
kalalakihan.
Ferdinand Marquee W. Fuentes 4C
Upuan ni Gloc-9 - Ivan Ubalde
Ang kantang “Upuan” ni
Gloc-9 ay napag-isipan kong suriin gamit ang Marxismo sapagkat ipinapakita nito
ang malaking agwat ng mayayaman at mahihirap sa ating bayan. Ang mensahe ng
kanta ay nakasentro sa napakalaking isyu ng kahirapan sa ating bansa. At sa pamamagitan
ng “music video” ng kantang ito, nabigyang diin at lalong naipakita kung gaano
kalaki ang epekto ng korupsyon at kahirapan sa Pilipinas.
Base sa liriko ng kantang ito, nagbibigay ng sitwasyon si Gloc-9 kung saan
lubos na naipapakita ang kahirapan sa ating bayan. Sa unang berso, inilarawan
niya ang sitwasyon ng isang mayaman na mayroong napakaraming bagay na wala ang
mahihirap. Inilarawan niya ang bahay na malaki, “may malawak na bakuran,
matataas na pader at pinapaligiran ng mga mamahaling sasakyan”. Sa loob naman
ay palagi may mga taong naka-barong, palaging merong pagkain na “hindi tutong”
at palaging may hamon kahit walang okasyon. Ilan lamang iyan sa mga ginamit na
paglalarawan ukol sa buhay ng mayayaman.
Sa ikalawang berso naman, inilarawan naman ang buhay ng mahihirap. Ginamit niya
rito ang punto-de-bista ng isang mahirap. At kasalungat sa buhay ng mayayaman,
ikinumpara niya ang buhay ng mahihirap. Kumpara sa bahay ng mayayaman, ang
kanila daw ay gawa mula sa “tagpi-tagping yero” lamang. At kung may makakain
araw-araw ang mayayaman, sila daw ay umaasa lamang sa “ulam na tuyo’t asin” na
pinagkakasya lamang sa singkwenta pesos. Bukod pa dito, nakakakain lamang sila
kapag sumweldo ang kanilang ama. Ang aking mga nabanggit ay ilan lamang sa
napakaraming halimbawang inilarawan ng may akda. Sa dulo ng bersong ito,
napag-isip-isipan ng persona kung masyado lang “maraming harang” ang
pumapagitan sa mayayaman o mahihirap o sadya lamang na “nagbubuluag-bulagan”
ang mga ito upang maiwasan ang sitwasyon na ito. Sa ating bansa, masasabing ito
ay totoo sapagkat ang mayayaman at mga pulitiko ay walang ginagawa upang
masolusyonan ang problemang ito.
Sa chorus naman ng kanta, sinisimbolo ng “upuan” ang kalagayan ng mga
mayayaman, at ang kanilang maginhawang buhay. Iniimbitahan ng may akda na
“tumayo” sila nang makita naman nila ang “tunay na kalagayan” ng mga mahihirap.
Napakaepektibo ng ginamit na simbolismo dito sapagkat isa itong pahiwatig ng
sitwasyon n gating bayan.
Sa “music video” naman ng kantang ito, paulit-ulit na ipinapakita ang isang
upuan na inuupuan ng mga kumakanta at ng mayayamang tao. Ipinakita ang
kaginhawahan ng buhay ng mga mayayaman habang sila ay nakaupo sa upuan. Habang
nakaupo ang mayayaman, ang mga mahihirap ang siyang naglilinis ng inuupuan ng
mga mayaman at nagpupulot ng mga hinuhulog ng mga ito. Ipinapahiwatig nito na
ang mga mahihirap ang siyang nagpapakahirap para sa maginhawang buhay ng mga
mayayaman. At sa pagitan ng pagpapakita ng mga mayayaman at pagkanta ng mga
artista, ay ipinapakita rin ang biswal na presentasyon ng mga bagay na
maririnig sa liriko ng kanta. Ilang halimbawa ng mga naipakita sa bidyo: ang
mga taong nakabarong, ang mga kutsara at tinidor na “hindi kilala ang tutong”,
ang takureng “uling-uling”, ang kalderong “kayamanan” ng ina ng persona, at iba
pa. Bukod pa dito, may mga puntong ipinapakitang kinakausap ni Gloc-9 ang
mayayaman, subalit hindi siya pinapansin at patuloy lamang sa kanilang
ginagawa. Sinasalamin nito ang nangyayari sa ating lipunan. May mga taong
ipinapakita sa mga mayayaman at may kapangyarihan ang sitwasyon ng mga
mahihirap ngunit pinpilit nilang hindi making upang hindi maistorbo ang
kanilang maginhawang buhay. Sa dulo ng bidyo, nakitang ipinaranas sa mayayaman
ang mabuhay nang mahirap sa pamamagitan ng pagtanggal ng kanilang magagarang
damit upang palitan ng damit-mahirap. At bukod pa dito, naranasan din nila ang
mga ginagawa ng mahirap tulad ng kumain gamit at kamay at ang paggawa at
pag-ayos ng upuang sila mismo ang nakaupo kanina.
Paulit-ulit
at nangingibabaw ang upuan sa buong tagal ng bidyo. Dahil dito, mas nabibigyang
pansin at diin ang nasabing “upuan”. Makikita mo rin na may takip sa bibig si
Gloc-9 sa ilang punto ng bidyo. Sinasabi nito na walang boses at hindi
naririnig ang mga hinaing ng mga tao. Nais imulat ng may akda ang mga mamamayan
sa sitwasyon na ito ng ating bansa. Ang hinihingi lamang ng may akda sa mga
mayayaman ay “tumayo” mula sa kanilang mga “upuan” upang makita ang naghihirap
na sitwasyon ng bayan sapagkat sila ang nasa posisyon upang lutasin ang
problema ng kahirapan at korupsyon sa bansang Pilipinas.
Ivan Ubalde 4C
Tuesday, February 28, 2012
Tindahan ni Aling Nena ng Eraserheads - Ian Joson
Kung ating susuriin
nang mabuti ang awiting Tindahan ni Aling Nena gamit ang Pormalismo, mahahalata
natin agad na ang buong awitin ay nakasalaysay gamit ang unang panauhin. Gamit
ang impormasyong ito, masasabi natin na ang buong awitin ay tungkol sa isang
pangyayari sa buhay ng pangunahing tauhan.
Kung pagtutuunan natin ng pansin ang unang bahagi ng
kanta, mapapansin natin na ang pangunahing kaisipan nito ay ang pagkahulog ng
loob ng pangunahing tauhan sa isang dalagang nakita niya habang siya ay
bumibili ng suka sa Tindahan ni Aling Nena. Mahalaga ang bahaging ito ng awitin
sapagkat dito umiikot ang buong kwento ng pangunahing tauhan. Kung hindi dahil
sa unang bahagi, walang kwento ang magaganap sa buong kanta.
Sa pangalawang bahagi naman ng awitin, dito natin
makikita ang problema na dulot ng pagkahulog ng loob ng pangunahing tauhan sa
dalaga. Dito ay makikita natin na gustong makipagkilala ng pangunahing tauhan
sa dalaga ngunit malalaman niya na aalis na pala ang dalaga patungong Canada
pagkatapos ng tatlong araw. Makikita rin ang problema sa bahagi ng koro. Dito
ay ibinabanggit ng tagapagsalaysay na maraming mabibili sa tindahan ni Aling
Nena ngunit ang gustong niyang makuha ay hindi nabibili ng pera, at alam natin
na ang itinutukoy ng tagapagsalaysay ay ang dalagang anak ni Aling Nena.
Sa pangatlong bahagi naman ng awitin, kahit na alam
na ng pangunahing tauhan na paalis na ang dalaga patungong Canada, desidido pa
rin siya na makipagkilala sa dalaga. Para mangyari ang gusto, nakipagkasundo
siya kay Aling Nena. Ang kasunduang ito ay magdudulot ng panibagong problema sa
pangunahing tauhan na makikita naman sa pangalawang koro. Sa pangalawang koro
ay makikita natin na sumunod sa kasanduan ang pangunahing tauhan at dito ay
sinabi niya na naubos ang kanyang pera sa araw-araw na pagbili sa tindahan ni
Aling Nena.
Sa huling bahagi ng kanta, malalaman natin na ang
lahat ng pagsisikap ng tagapagsalaysay na maging malapit sa dalaga ay walang
kinahantungan.
Ian Joson 4C
Night-Out McDo Commercial - Milo Mendoza
Ang aking susuriin ay
ang patalastas ng McDo, na pinamagatang “Night-Out.” Ito ang nangyari sa
patalastas na ito. May dalawang babae na kakatapos lamang kumain ng Mcdo Sundae
sa loob ng kotse. Ngunit bago nila paandarin ang kotse, nagpaganda muna sila.
Pagkatapos nila maglagay ng make-up, nakahanap sila ng barya at nadesisyonan
nilang bumili muli sa McDo. Habang nasa harap sila ng bintana ng kahera,
makikita na parang nilalandi nila ang lalake na tumatanggap ng bayad nila. Dito
nagtatapos ang patalastas.
Kung susuriin ang patalastas na ito sa pananaw na feminismo, mayroong ilang
eksena sa patalastas kung saan nalagyan ng steryotipiko ang mga babae. Una dito
ay ang paglagay nila ng make-up. Sa pagpapakita ng eksenang ito, mayroong
kaisipan na naibabahagi sa mga tagapanood na ang mga babae ay palaging inaalala
ang kanilang itsura. Sa katunayan, hindi naman ito totoo. Tama nga na mayroong
mga babaeng madalas maglagay ng make-up, ngunit ano ang halaga ng paglagay ng
eksenang ito sa patalastas? Ikinukulong lamang nito ang mga babae sa pananaw na
basta babae, mahilig maglagay ng make-up at magpaganda.
Ang sunod na eksena na aking tutuunan ng pansin ay ang pagbayad ng mga babae sa
kaherang lalake. Makikita dito na ang dalawang babae ay mabagal na binibilang
ang kanilang barya sa palad ng lalake. At makikita sa kanilang reaksyon na
parang kinikilig. Sa maikling salita, mahihinuha ng mga nanood na nakikipag
landian ang dalawang babae. Sa eksenang ito, nagkakaroon muli ng steryotipiko
tungo sa mga babae. Naipapahayag ng patalastas, na malandi ang mga babae. Sa
katotohanan, hindi naman lahat ay ganito ang ugali. Sa pagpapalabas ng ganitong
patalastas, naapektuhan ang pagtingin ng mga lalake sa mga bababe. Nagkakaroon
sila ng pagiisip na mahilig magpapansin ang babae lalo na sa mga lalake na guwapo.
Dahil maikli lamang ang buong patalastas, kapansin-pansin talaga ang mga
eksenang ito. Layunin ng feminismo na basagin ang pagkakaroon ng ganitong klase
ng tingin sa mga babae. Ang pagkakaroon ng steryotipikong pananaw tungo sa mga
babae ang pinaka iniiwasan ng feminismo, dahil ang mga babae ay hindi
basta-bastang nauuto ng mga lalake.
Milo Mendoza 4C
Bayanihan -Migui Atanante
Bayanihan, isang konseptong alam ng lahat at nasa
puso ng mga Pilipino. Ang konseptong ring iyan ang makikita sa isang
bidyo ng gawad kalinga na nagngangalang "Bayanihan". Ipnapakita rito
ang kahulagan ng bayanihan; ang pagtutulungan. Sa bidyo mayroong mga taong
nagtutulungan upang buhatin ang mga bahay. Lahat ay nagtutulungan upang makamit
ang iisang gawain. Ngunit mayroon pang ipinapahayag ang "Bayanihan".
Isang mensahe para sa lahat, na sa unang panood ay maaring hindi kaagad makita.
At ang mensaheng iyon ang aking tatalakayin ngayon sa pamamagitan ng marxismong
pananaw.
Sa kabuuan ng bidyo mayroong mga tao. Ang mga taong ito ay mga iba't ibang
klase ng tao. Mayroong mga magsasaka, mga tambay na naglalaro, mga batang
tumtakbo, mga labandera, mga tsuper, at marami pang iba. Ang mga taong ito ang
sumisimbolo sa karaniwang Pilipino. Habang ipinapakita ang mga taong ito
ipinapakita rin ang mga iilang taong nagbubuhat ng mga pinagsasamang mga bahay
na gawa sa retaso. Mapapansin na ang mga taong nagbubuhat ay nahihirapan at
pagod na. Gamit ang mga detalyeng iyon mahihinuha na ang mga bahay na iyon ay
ang isang napakalaking problema, ang kahirapan. Ang mga taong nagbubuhat naman
ang mga mahihirap sa ating lipunan.
Ngayon mapapanood sa bidyo na ang mga karaniwang Pilipino ay lalapit sa mga
nagbubuhat. Lahat sila ay magtutulong-tulongan upang buhatin ang mga bahay.
Kahit ang mga bata at matatanda ay tumutulong sa pamamagitan ng pagbibigay ng
tubig at pagpapakita ng kanilang suporta sa mga nagbubuhat. Sinasabi dito na
dapat lahat ng mga pilipino ay magtulungan, kahit gaano kaman kabata o katanda.
Sa bandang huli makikita na halos lahat na ay nagbubuhat ng mga bahay. At mga
taong iyon ay pumunta sa isang bangin at inihagis ang mga bahay roon. Ang ibig
sabihin lang noon ay sa ating pagtutulungan matatalo natin ang kahirapan.
Masasabi kong isang magandsng bidyo dahil sa madaming rason. Una, madaling
makita ng mga tao ang kanilang mga sarili na isa sa mga tao sa bidyo. Pangalawa
ang me sahe na nais ipahayag nito ay maganda at malinaw. Bukod pa roon ang
mensahen ito ay madaling naipamalas sa mga tao. Ang huli ay naisatupad nito ang
marxismong layunin na magpahayag ng mensahe. Kaya masasabi kong di lamang nito
naipakita ang traditional na bayanihan, naipakita pa nito kung paano ito
mailalapat sa ating lipunan kung saan madaming naghihirap. Sa pagtatapos ang
pinakasinasabi ng bidyong "Bayanihan" gamit ang marxismong pananaw ay
sa pamamagitan ng pagtulungan matatapos natin ang kahirapan.
Migui Atanante 4C
Girlfriend McDo Commercial - Jed Cajucom
Nakita mo na ba ang
patalastas ng McDo tungkols sa bata at pagiging “girlfriend”? Ako, nakita ko
na. Sa unang panonood, sabi ko sa sarili ko “Ang cute naman nila.” Pero, yun
nga, sa unahan lang. Binalikan ko ang patalastas na ito at nagulat ako sa
madaming “mensahe” na pinapadala nito.
Unang una, ang sinabi ng batang lalaki tungkol sa babae. “Demanding ang mga
girlfriend..gusto ganito,gusto ganyan..ewan!” Hindi ganyan ang lahat na babae.
Pinapakita nito na masasama ang babae, na puro hingi nang hingi na walang
binabalik. Lahat naman nang tao ay may gusto at hinihingi, hindi lang babae.
Pangalawa, pinapalabas nang patalastas na ito na “cheap” ang mga babae. Ano ang
ibig kong sabihin pag sinabi kong “cheap”? Ang ibig ko sabihin na pinapalabas
nang patatalstas na ito na mamahalin ka nang bababae basta’t bibilhin mo siya
nang lahat nang kagamitang magugusto niya. Mali ang pag-iisip na ganyan.
Sobrang mali talaga yan. Ang pagiging magkasintahan ay isang relasyon, relasyon
nang pag-ibig sa pagitan nang dalawang tao.
Pinapakita din na mahina ang mga babae. Makikita ito sa patalastas na ito dahil
sa makikitang reaksyon ng batang babae sa pagtanggi ng lalaki sa pagiging
kanyang boyfriend. Dahil lang hindi niya nakuha ang kanyang gusto, biglang
sobrang malungkot na siya? Talaga? Sobra naman. Oo nga malulungkot tayo dahil
‘di natin nakuha ang gusto natin pero hindi naman yun katapuasn nang mundo.
At sa huli, pinapakita nito na ang pangarap nang
babae ay maging isang girlfriend, kahit sila ay bata parin. Para sa akin, hindi
pa dapat alam nang isang batang babae nang edad na iyan ang konsepto nang
pagiging isang girlfriend at ang mga nakukuha niya galling dito.
Makikita talaga dito na laganap pa rin ang pagbibigay ng mga pagkakaiba nang
babae at lalaki. Kahit ngayon sa munting patalastas na ito, marami sa mga ito
ay nakita.
Jed Cajucom 4C
Monday, February 27, 2012
Magasin ng Eraserheads- Jacob Agbayani
Ang kantang “Magasin”
ng Eraserheads ay nagpapakita ng isang negatibong imahe ng mga babae sa
lipunan. Makikita sa mga titik nito na ang tanging paraan para sumikat ang
isang babae ay sa pamamagitan ng pagpapaganda.
Nagsimula ang kanta sa
isang lalaki na nakakita ng isang magasin. Sa pabalat ng magasin na ito, nakita
niya ang isang magandang babae na dati pala’y kanyang nobya. Sinabi sa kanta na
hindi inakala ng lalaki na sisikat ang kanyang nobya. Binanggit pa na tiwanan
ng lalake ang babae. Masasabi sa mga pahayag na ito na walang kakayahang maging
sikat ang mga kababaihan sa lipunan. Minamaliit sila ng mga kalalakihan sa
pamamagitan ng pagduda sa kanilang mga kakayahan at sa simpleng pagtawa na
maaaring magpahiwatig ng pang-aasar sa mga kababaihan.
Sa koro ng kanta,
ipinapakita ang mga pagbabago sa pisikal na anyo ng babae. Sa bandang huli
nito, makikita ang mga linyang “Pagkat kulang ang dala kong pera na pambili,
Pambili sa mukha mong maganda”. Ipinapakita rito na ang mga babae ay parang mga
gamit lamang na binibili ng mga kalalakihan. Tinuturing na mga bagay ang mga
kababaihan na basta basta lamang na nabibili. Kung titingnan ng maiigi ang
linya, isinama pa ang pariralang “sa mukha mong maganda”. Ipinapakita nito na
ang mga binibili lamang ng mga lalaki ay ang mga magagandang babae. Upang
mabili ang isang babae, kinakailangan niya munang magpaganda. Muling
ipinapakita ang negatibong imahe sa mga babae.
Sa bandang huling
bahagi ng kanta, nalaman ng lalaking bastos pala ang magasin na kanyang nakita.
Sinabi pang namulat siya sa hubad na katotohanan. Muli, tinatrato ang mga babae
bilang mga bagay. Sa bahaging ito naman, sa pamamagitan ng pagsabing isang
bastos na magasin pala ang nakita, tinatrato ang mga babae bilang mga
pang-aliw. Sa pagsabing nagulat ang lalaki sa hubad na katotohanan,
mahihinuhang may malaswang larawan ang babae. Masasabi mula rito na hindi
lamang pagpapaganda ng mukha ang kailangan ng mga babae upang sumikat bagkus
kailangan rin nilang magpaganda ng katawan.
Sa huling bahagi naman
ng kanta, sinabing “Nasaan ka na kaya? Sana ay masaya. Sana sa susunod na isyu
ay centerfold ka na”. Sa paghahanap ng lalaki sa babae at sa pagsabing “sana ay
masaya”, sinasabi na ang mga babae ay sisikat lamang sa pamamagitan ng mga
ilegal na paraan na nagaalis sa kanila ng kaligayahan. Sa pagsabing “sana sa
susunod na isyu ay centerfold ka na”, parang sinasabi ng lalaki na sana’y
magpaganda ka pa kasi sa ngayon, ang mga katulad mo’y hindi pang-centerfold.
Bilang pagtatapos, ang
kantang “Magasin” ng Eraserheads ay nagbibigay ng isang negatibong imahe tungo
sa mga babae. Sinasabi sa kantang ito na malabong sumikat ang mga kababaihan
dito sa ating lipunnan. Kung sila’y sisikat man, ito’y sa pamamagitan ng
pagbabago ng kanilang mga pisikal na anyo. Ipinakita rin sa kantang ito ang
pagtrato sa mga babae bilang mga kagamitan na basta basta lamang nabibili ng
mga kalalakihan. Sa kabuuan, ipinakita ng kantang ito ang negatibong imahe ng
mga kababaihan na laganap sa ating lipunan ngayon.
Jacob Agbayani 4C
Ang Huling El Bimbo ng Eraserheads- Tris Santos
Isinusulong sa kantang “Ang Huling
El Bimbo” ang teoryang feminismo. Unang una ay makikita sa unang bahagi ng
kanta ang pagrespeto ng lalaki sa babae. Sinasabi sa kanta na hinahangaan nito
ang babae dahil sa kaniyang kagandahan at sa talento nito sa pagsasayaw. Ito ay
makikita sa linyang “… at ang galing galing mong sumayaw mapa-Boogie o
cha-cha....” Ipinapakita din sa kanta na ang mga babae ay hindi madaling makuha
tulad na lamang ng mga bagay na nabibili sa mundo. Makikita sa linyang
“pagkagaling sa eskwela ay didiretso na sa inyo” ang ginagawang sakripiosyo ng
lalaki upang makasama ang babae na kahit kaunting oras lamang. Ipinapahiwatig
ng linyang ito ang dedikasyon ng lalaki para sa babae.
Ipinapakita din sa kantang ito ang
pagsira sa istiryotipiko ng lipunan tungo sa babae bilang mahina at nakadepende
lamang sa mga lalaki. Sa kabuuan ng kanta, ipinapakita na ang lalaki ay umaasa
sa babae upang siya ay maturuan nitong sumayaw. Ipinapahayag din sa buong kanta
na ang kanyang kasiyahan ay naka-depende sa presensya ng babae. Inilalahad sa
kanta na kung wala ang babae, hindi magkakaroon ng kulay ang kanyang buhay. Ang
pangingibabaw ng babae kaysa sa lalaki ay makikita sa parte ng kanta na kung saan
sila ay sumasayaw at dito unti-unting nahuhumaling ang lalaki sa babae. Dito
ipinapakita na hindi lagi ang babae ang naghahanap ng pag-ibig tulad ng mga
ipinapakita sa mga nakasanayang kwento. Naipapakita na nagpapamalas ng
kalakasan ang mga kababaihan dahil hindi agarang nagpapaloko sa lalaki.
Naipapakita rin ng kanta ang kagandahan ng kababaihan sa paglalahad na kahit
munting bagay lamang na gawin ng babae ay nahuhumaling agad ang lalaki.
Sa kabila ng kagandahang ito ay
mapapansin sa bandang huli ng kanta ang negatibong pananaw ng lipunan sa mga
babae. Sinasabi sa hulihan ng kanta na nasayang ng babae ang kanyang buhay
dahil siya ay nagpabaya at hinayaang ang sariling maloko ng kalalakihan. Siya
ay nagkaroon ng anak at walang asawa upang tulungan siyang suportahan ang
kaniyang pamilya. Dahil dito, naghanap ang babae ng trabaho at ang kaniyang
nakuhang trabaho ay tagahugas lamang ng pinggan. Dito naipakita ang isa pang
istiryotipo ng lipunan sa mga babae bilang tagagawa lamang ng mga gawain sa
bahay. Sa pag-banggit nito ay ipinapakita na walang ibang lugar ang kababaihan
sa lipunan kundi sa bahay.
Sa kabuuan, ang kantang
ito ay parehas na nagpapakita ng positibo at negatibong pananaw ng lipunan sa
mga kababaihan. Naipapakita ng kantang ito ang natural na kagandahan ng
kababaihan pag dating sa itsura, sining, at sa kalooban. Sa kabila nito ay
naipakita din ng kanta ang hindi kanais-nais na pananaw ng lipunan sa
kababaihan. Naipakita ng kanta kung papaano mababa ang tingin ng lipunan sa
kababaihan at kung papaano nila minamaliit ang kakayahan ng babaeng gumawa ng
desisyon at ang kanilang kakayahang magtrabaho.
Subscribe to:
Posts (Atom)